Madalas kong mapanood ang mga rally ng maralitang Pilipino sa telebisyon. Alam kong mayroon silang ipinaglalaban ngunit alam ko na mayroon din namang naisin ang ating gobyerno. Nasa isipan ko pa rin ang pantay na pagtingin sa dalawang kampo. Bagamat nakasali na ko sa mga rally, rally sa walang awang pamamaslang sa mga dyornalis o kaya naman ay sa hindi pantay na paglilitis ng DOJ sa anomalyang nangyayari sa ating gobyerno. Hindi na bago sa akin ang init, pagod at paos sa linyang "Ang tao, ang bayan, ngayon ay lumalaban?" na kailanman ay tila hindi niluma ng panahon. Kay tagal na ngang isinisigaw ito ng kapwa kong Pilipino, ilang henerasyon na nga ang nagdaan at parehong linya, parehong problema at kahilingan pa rin ang hinihiling ng bawat Pilipino.
NGUNIT, iba ang naranasan ko kanina. Ang karanasan kong iyon ay higit pa sa pagod sa layo ng biyahe, pagtakbo at paglalakad na ginawa namin, higit pa sa init, dumi at pangit na minalas ko kanina. Tungkol iyon sa buhay ng mga taong naalisan ng karapatan sa pangkabuhayan at disenteng tirahan, kamatayan dahil sa pang-aangkin ng lupa ng mga mahihirap nating kababayan, mga kababayang walang ninanais kung hindi ang ingatan ang kani-kaniya nilang buhay at pag-aari, mga kababayang may karapatan sa lupang kinatitirikan ng kanilang mga tahanan.
Kailanma'y hindi maaalis sa aking isipan ang mga mukha ng paghihikaos ng mahihirap na mamamayang ang ipinaglalaban lamang ay ang mumunting lupang kay laki na para sa kanila na binayaran nila ng dugo, buhay at pawis. Sila ang matatawag na biktima ng imperyalismo at kapitalismo sa bulok na sistema sa ating bansa na kay tagal nang nilalabanan ng ating mga ninuno.
Bulag na demokrasya, binging kalayaan.
Nasaan nga ba ang hustisya para sa mga taong pinaslang na parang mga hayop para lamang sa kanilang mumunting pag-aari?
Nasaan na nga ang batas na dapat na pumoprotekta sa karapatang pantao ng kahit na sino?
Parehong ang hustisya at batas ay nasa mga kamay ng mga burukrata kapitalismo na siyang mayayaman, makapangyarihan at higit sa lahat sagana sa pang-aalipusta sa kapwa nilang Pilipino.
Ngayong araw namulat ang aking mga mata sa sistemang paulit-ulit, walang tigil at hindi madaling tibagin.